![Pulis-QC na nasangkot sa hit and run noong 2022 na nasawi ang biktima, sibak na sa trabaho –PNP](https://afotimber.com/wp-content/uploads/2024/02/9848-pulis-qc-na-nasangkot-sa-hit-and-run-noong-2022-na-nasawi-ang-biktima-sibak-na-sa-trabaho-pnp.jpg)
Timber companies in cameroon
Sinibak na sa trabaho si Police Lieutenant Colonel Mark Julio Abong, na nasangkot sa hit and run incident noong 2022 na ikinasawi ng biktimang tricycle driver. Noong nakaraang Nobyembre, nasangkot naman siya sa insidente ng pagpapaputok ng baril sa labas ng isang bar sa Quezon City.
Sa pulong balitaan nitong Lunes sa Kampo Crame, sinabi mismo ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., na inaasahan na naisilbi na kay Abong ang dismissal order.
“I already signed the dismissal order. It should be implemented,” ayon sa pinuno ng PNP. “Based on our record, wala na siya.”
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, epektibo ang pagsibak sa trabaho kay Abong noong Disyembre 18, 2023.
Inaresto si Abong noong nakaraang Nobyembre matapos masangkot sa gulo at magpaputok ng baril sa labas ng isang bar sa Barangay Laging Handa sa Quezon City.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na may nakaalitan si Abong na kapuwa niya customer.
Nagkaroon pa ng tensyon sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit office sa Camp Karingal nang tangkain ni Abong na umalis nang walang pahintulot ng PNP.
Sinampahan siya ng mga reklamong illegal discharge of firearms, violation of election gun ban, maltreatment, at direct assault upon an agent of person in authority.
Naungkat din ang pagkakasangkot ni Abong sa hit and run incident noong Agosto 2022 nang mabangga ng minamaneho niyang pick-truck ang isang pumapasadang tricycle sa Quezon City.
Nasawi ang driver ng tricycle na si Joel Larosa, at nasugatan ang isang pasahero nito.
Lumitaw noon sa imbestigasyon na lasing umano si Abong at inagawan nito ang linya sa kalsada ng tricycle kaya nangyari ang insidente at iniwan ang biktima.
Nagpasya ang People’s Law Enforcement Board (PLEB) ng Quezon City na sibakin sa trabaho si Abong at ang iba pang pulis na sangkot sa insidente noong Marso 2023. May mga pulis din na pinasuspinde.
Pero lumitaw na hindi naipatupad ang rekomendasyon ng PLEB nang muling masangkot sa gulo si Abong sa labas ng isang bar sa Quezon City noong Nobyembre.– FRJ, GMA Integrated News